Hulyo 2009
Madalas ko siya nakikita sa simbahan. Ooops sandali lang, hindi po siya seminarista at mas lalong hindi naman po siya pari. Nakikita ko siya ngunit hindi ko pinagtutuunan ng pansin dahil hindi naman kami magkakilala at walang salitang “attraction” marahil dahil walang alinlangan na magkalayo ang aming edad.
Nagsimula po ang lahat dahil sa kwento ng isang maestra at magbubukid. Mula noon madalas ko na siyang napapansin dahil naintriga ako kung bakit siya pa (sa kakapanood mo ng SNN!). Nag-umpisa akong magsaliksik (ah, researcher ka na pala!) ng mga bagay-bagay tungkol sa kanya (ah..stalker! hindi naman po!).
Isa siyang simple, responsable at mabait na indibidwal (how did you know? I can see it in his eyes..hehe!). Sa pisikal na kaanyuan, siya ay matangkad (ayan, nung bata ka kasi hindi ka natutulog sa tanghali), maputi (ah, Nido at Nescafe 3in1), hindi naman siya sobrang gwapo (alam ko hindi ako maganda, medyo lang..hehe!) ngunit maganda ang kanyang mga mata pati ang kanyang ngiti (ayun naman pala!). Kaya lang pinagtatawanan ko ng palihim yung estilo ng kanyang buhok (lagot ka!). Ngunit habang napapansin ko siya napapagtanto ko na humahanga na pala ako sa kanya (yes, ang baduy mo pala!).
Sa katunayan, nagpapansin na nga ako sa kanya sa pamamagitan ng makabagong teknolohiya:
una, sa friendster - hindi ko alam kung paano ko siya nahanap basta nag-browse lang ako. Samakatuwid dito ko nalaman ang mga impormasyon tungkol sa kanya. Tinanggap naman niya ang aking hiling na maging isang ka-friendster (kinilig ka naman!)
ikalawa, sa cellphone - nakapost kasi sa friendster niya yung multiply site niya. Tapos sa multiply site nakita ko yung number niya, kaya naisip ko na magpadala ng mensahe ngunit hindi siya tumugon (sad! ayan, ikaw kasi!). Pero tanggap ko naman dahil inaasahan ko din naman na maaaring mangyari ang hindi niya pagtugon (okay fine! pampalubag loob!)
at ikatlo, sa yahoo messenger - (ah, never say die!) nakita ko din sa friendster yung ym id niya. Kinausap naman niya ako ngunit hindi na naulit (aww..sorry ka nalang!). Sa madaling salita, hindi ko napukaw ang kanyang pansin (tsk! wrong strategies! Sumulat ka nalang kay ate charo o kaya kay joe d’ mango para makatulong).
Dahil sa mga kahihiyan na nagawa ko hindi ko alam kung paano humarap sa kanya. Kapag nakikita ko siya sobrang umiiwas ako dahil hindi ko siya kayang tingnan. Andyan yung nagkita kami sa isang lugar, sa sobrang hindi ko akalain na nandoon din siya (yes, serendipity), ang ginawa ko tumakbo ako ng mabilis para makaiwas sa kanya (the flash! ano kaya yun?!). Tapos sa simbahan, kapag wala akong pagpipilian kundi mapadaan sa harapan niya (whether you like it or not!), sobrang nakatungo lang ako o kaya naman sa iba nakatingin (stiff neck!). May pagkakataon din na dumaan ako sa likod niya at sa sobrang kakaiwas ko nabangga ako sa nakaparadang kotse tapos sabay napaharap pa siya sa akin (sus! ano naman kasalanan ng kotse sa’yo?!). Sa totoo lang hindi ko din siya maintindihan, nung minsan kasi tumingin siya sa akin, napakaseryoso tapos umirap pa (ah, sweet naman pala! haha!). Napatungo nalang ako, natawa at napabulong, hala! bakit ganito ‘to makatingin? hijo, may problema ba? (nobody but you…ginugulo mo daw ang buhay niya!).
Sa kabila ng lahat, hindi ko alam kung bakit hanggang ngayon may paghanga pa rin ako sa’yo. Kapag naiisip ko yung mga nakaraang sitwasyon, napapangiti nalang ako. Ngunit dahil sa mga bagay na ito, dumadating ka sa punto na kailangan matutong makuntento dahil may mga bagay na hindi dapat pangunahan samakatuwid hayaan nalang ito na kusang dumating sa iyong buhay.
No comments:
Post a Comment